Bawal magkasakit ang mahirap!

Oo, tama ka sa nabasa mo BAWAL MAGKASAKIT ANG MAHIRAP!!! Alam mo kung bakit? Tatlong pangunahing dahilan ay mga ito.

1. Mahal ang gamot at ang mahihirap kahit simpleng gamot sa lagnat, ubo at sipon wala pang pambili.Kaya kadalasan kapag nagpupunta sa ospital malala na ang sakit. Tatanungin ka ng doktor kung bakit ngayon ka lang nagpatingin at ngingitian mo lang siya at sasabihing, “Wala po kasing pera.” Sa tingin mo matutuwa ang doktor sa sagot mo? Sa tingin mo magagamot ng ngiti mo ang acute gastroenteritis o severe pneumonia ng anak mo? HINDI.

2. Mahal ang bayad sa ospital. Kung nasa government hospital ka sa Pilipinas mura na kung mapunta ka sa ward pero paano kung ma-confine ka sa ICU. Sa ICU ka hindi lang isang araw, isang linggo minsan inaabot ng buwan. Kung mahirap ka paano mo babayaran ang 1600 per day, wala pa dun ang gamot, pagkain ng bantay mo, syringes, pamasahe ng mga bantay, etc. Imagine mo kung isang linggo ka sa ICU. 1600 per day X 7 days equals 11,200php sa isang linggo. Kung mahirap ka, san ka kukuha ng mahigit sampung libong pambayad sa ospital kung ang kinikita mo lang sa isang araw kulang pa sa pagkain ng kalahating dosena mong anak.

3. Nauubos rin ang pasensiya ng mga health care workers at nauubos rin ang pondo ng gobyerno at nauubos rin ang pera ng doktor at nars sa kakabigay ng libreng gamot, syringes, IV cannula, etc. Kailangan tandaan na ang pera ay nauubos rin. Hindi yan kabilang sa Law of Consevation of Energy. Oo, may libreng hospitalization, gamot, serbisyo ng doktor, etc. pero saan kami kukuha ng pera kung may mga tao rin namang abusado sa gobyerno at (sa hindi kayo magalit sa akin sa sasabihin ko) mga taong mahihirap kasama na ang mayayaman na feeling nila eh private nurse ako at 1:1 kami, na abusado rin. Bilang isang nars, diyan sa mga abusadong yan ako naiinis! Sana maintindihan nila na wala palaging Ma’am Lily na magbibigay ng NeoFlon, walang Doc Pete na magbibigay ng pera kung hindi ka pa nagbreakfast, lunch at dinner, walang Dra.Delfin na magbibigay ng libreng ET dahil wala kang pambili at kailangan na ng anak mo ng mechvent at walang Dra. Aguilar na laging iintindi at mage-explain kung bakit kailangan sa labas ka ng ICU at kung bakit kailangan lagyan ng suero ang anak mo dahil doon nga dadaan ang gamot! (Whew! Ang haba nun ah!) Sana na naiintindihan nila na tao lang din kami, napapagod rin. Tinutulungan ka na namin, gumawa ka rin ng paraan para tulungan mo sarili mo at ang pasyente mo. Hindi ka pwedeng umasa na lang hanggang makalabas ka ng ospital.

Mahirap maging mahirap. Siguro sasabihin niyong mata pobre ako pero ito ang katotohanan. Kung mahirap ka:

1. Huwag mong hintaying maging dugo ang dura mo bago ka magpa-check up lalo kang maghihirap.

2. Huwag mong hintaying mangitim ang baby mo bago ka pumunta sa ER at makikita mong tinutubo ang anak mo sabay hagulgol, lalo kang maghihirap.

3. Huwag mong hintaying magkalagnat ng mataas ang anak mo, dumumi ng kulay itim at magdugo ang ilong, linisin mo paligid mo kahit sa iskwater ka pa nakatira kung ayaw mo ma-dengue.

4. Huwag mong hintaying manganak ka ng premature o may depekto, may prenatal check-up na libre sa health center. Meron niyan sa barangay niyo. Kung hindi mo gagawin yun, lalo kang maghihirap.

Maging responsable ka. Ito na siguro ang pinakamahalaga, kung alam mong mahirap ka pa sa daga at wala kang trabaho huwag kang gagawa ng bata kung wala ka rin lang pambili ng gatas, diaper at pagkain ng magiging anak mo. At lalo pang wag kang gagawa ng bata kung itatapon mo lang din sa basurahan o sa Ilog Pasig paglabas nito. May mga mag-asawang gustong magkaanak tapos kayo itatapon niyo lang?? (Oh well, for everyone na ung last statement.)

Mahirap maging mahirap, OO pero kailan pa naging mahirap ang maging responsable? Sana naintindihan niyo ang punto ko.  At sana rin magawan to ng paraan ng mga gustong kumadidato sa eleksyon. (winks) Hindi raw niya tayo iiwan…BIGYAN MO KAYA KAMI NG BUDGET SA HEALTH??