Ang Maling Sistema at ang mga Bantay ni Vincent

Di ko alam kung san nagsimula ang VIP treatment. Yun bang kapag nasa isang lugar ka tapos kapag may kakilala ibang level na ang treatment sa ‘yo. Bakit ganun? Kunwari pumipila ka sa canteen tapos biglang dumating ang anak ni mayor parang may instinct ka na lang na pasisingitin mo siya sa pila dahil anak siya ni mayor. Sa isang event or party, biglang may darating na pulitiko or milyonaryo ibibigay mo yung upuan na nakareserve sa iba dahil lang sa sila ay very important person at yung kawawang may-ari dapat ng upuan ay hahanap na lang ng upuan sa may gilid gilid…kawawa. Tapos kunwari magsosorry yung VIP dahil pinaupo siya dun ng usher. Duh! Tumayo ka kaya diyan at maghanap ng upuan mo. Marami pang pagkakataon kung saan nakakakita ako ng mga VIP… Pero ang kwento ko ngayon ay ang mga VIP sa ospital.

Aminin man natin o hindi maraming VIP sa ospital. Artista, mga socialites, mayayamang businessman, pulitiko, athletes, at marami  pang iba. Sa OR minsan kawawa ang karaniwang mamamayan. Kung ang mga VIP ay nakakakuha ng uber privacy na kulang na lang eh lahat ng drape sa OR ay gamitin, gagamitin para lang hindi makita ang maseselang bahagi ng katawan. Minsan may mga kamag-anak pang nakakapasok per request which is hindi naman dapat allowed kahit mas sterile pa siya sa surgeon. Magrerequest pa pamilya niyan na bawal ang intern, student nurses, etc. dahil ayaw daw nilang pag-aralan ang katawan ng pasyente. Duh? Eh anu pag-aaralan namin cadaver na lang for life? Paano kami matuto niyan? Ang karaniwang mamamayan hindi makukuha ang ganyang treatment lalo na pag nasa public hospital ka. Naalala niyo yung case na kinuhanan ng video sa Visayas, yung may nakasalpak na kung anu sa anus? Yun ang example ng karaniwang mamamayan na sa tingin ng mga health care workers ay pwedeng bastusin kasi hindi naman VIP. Tingin niyo kung si John “Sweet” Lapus un may magkakaroon ng K para i-video yun? Haller? Wala. Kasi nga respeto na lang dahil VIP.

Sa Pedia ICU, marami ring ganun. Dati naiinis ako sa bantay ni Chloee. Kasi naman super demanding. Feeling niya siya lang ang pasyente sa ICU (hellow! tignan mo nga full house kaya kami!) at dapat six PM sharp for nebulization na siya. Naman! Opo alam namin ang oras ng nebulization niya, pero wag ka demanding dahil may ibang pasyente hindi lang isa, dalawa or tatlo na kailangan mapausukan at dalawa lang ang nebulizer namin. Tapos sasabihin niya…”Bakit sa Medical City?” Eh, bakit ka andito? Bakit hindi mo na lang dalhin ulit doon ang anak mo? Kailangan niyo rin pong intidihin na nasa public hospital kayo. Masakit man ang katotohanan, kulang po kami sa gamit at sa staff. Kung ang ICU doon ay 1:1 dito po 1:20 patients. Mahirap bang umintindi? Ginagawa naman po namin ang trabaho namin pero wait for your turn…Inuuna po namin yung mga pasyenteng hindi na makahinga para i-nebulize, yung mga nakatubo para i-nebulize. Meron po kaming tinatawag na nursing priorities okay? (Bitch nurse ako, keber!) Feeling mo VIP ka? Eh di dalhin mo yung sinasabi mong nebulizer at neb kit dito sa ospital. Di ba sinabihan ka naman ng RT? O, asan na yang pinagmamayabang mo?

Ang isa pang kinaiinisan ko ngayon ay ang MGA bantay ni Vincent. Si Vincent ay diagnosed with DHF III (Dengue Hemorrhagic Fever Stage 3). Kapag stage 3 na ang dengue ibig sabihin mababa masyado ang platelet count, RBC, Hgt, Hct, may bleeding sa stomach, dumi, ilong, etc. mababa ang BP at minsan nahihirapan huminga dahil nga mababa ang red blood cells na siyang nagdadala ng oxygen sa body tissues and organs. Ang latest na WBC count ni Vincent ay 3.58. Ibig sabihin siya ay immunocompromised na at madaling dapuan ng infection. Si Vincent ay kamag-anak ng supervisor sa ER. Ibig sabihin si Vincent ay isang VIP. Si Vincent ay hindi nawawalan ng bantay kahit pa pumirma ang ina niya ng PICU policy and regulations na naipaliwanag sa kanya na bawal ang bantay sa ICU. Ang ina at buong angkan ni Vincent ay hindi ko alam kung bobo lang talaga, walang pinag-aralan, hindi nakakaintindi ng Tagalog or ayaw lang talagang intindihin ang mga katagang “BAWAL ANG BANTAY SA ICU”.  Ang MGA bantay ni Vincent ay hindi maintindihan na si Vincent ay may mga kasamang ibang pasyente sa ospital. Ang MGA bantay ni Vincent ay hindi maintindihan na ang ibang pasyente ay immunocompromised o madaling dapuan ng sakit tulag na lamang ng nasa katapat niyang bed na mayroong ALL(acute lymphocytic leukemia). Ang MGA bantay ni Vincent ay hindi maintindihan na ang paglabas masok nila sa ICU ay nakakapagdala sila ng microorganisms na pwedeng maging dahilan ng nosocomial infection o infection na nabuo/nakuha sa hospital habang naka-confine. SiVincent noong na-admit ay mayroong clear breath sounds on bilateral lung fields, ngayon si Vincent mayroon ng productive cough maliban pa sa dengue na kung hindi siya masalinan ng dugo ay pwede niyang ikamatay dahil lalong bumababa ang resulta ng mga blood tests niya. Ang MGA bantay ni Vincent ay makasarili. Ang MGA bantay ni Vincent ay walang iniisip kundi ang kapakanan lang ni Vincent na sa pag-aakalang ang pagbabantay sa kanya sa loob ng ICU ay nakakatulong. Ang MGA bantay ni Vincent ay naiinis na sa akin, kay Doc Pete at kay Ma’am Joy. Ang MGA bantay ni Vincent ay masarap sapakin, sigawan, pahiyain, pagalitan, pagsabihan ng salitang hindi nalalamon ng aso pero dahil ako’y propesyonal mahinahon akong nakikipag-usap at nagpapaliwanag sa kanila. Ang MGA bantay ni Vincent…VERY INTIMIDATING PEOPLE!!! Ang MGA bantay ni Vincent…hay….nauubos ang energy ko sa mga bantay ni Vincent. Ang maling sistema nga naman….paano  na lang kung lahat ng bantay sa ospital ay kagaya ng MGA bantay ni Vincent? Kawawa ang mga pasyente buti na lang walang H1N1 case ngayon.