Hindi si Noynoy ang kailangan para mabago ang Pilipinas

“Hindi si Noynoy ang kailangan para mabago ang Pilipinas.” Narinig ko ang mga katagang ito nung birthday ng barkada ko. Nag-iinuman kami nun at bigla na lang napunta ang usapan sa eleksiyon. Tapos sabi ni Sir Brian (VPR), “Hindi si Noynoy ang kailangan para mabago ang Pilipinas.” May punto si Sir. Maraming punto si Sir. Maaring magkapareho kami ng iniisip o pwede rin namang iba ang mga dahilan niya pero sumang-ayon ako sa kanya na hindi si Noynoy ang kailangan para mabago ang Pilipinas.

Malapit na ang Mayo.Ngayon pa nga lang marami ng infomercials or campaign ads ang mga politiko na nagnanais na tumakbo sa darating na 2010. May mahaba, may maikli. May parang station ID. May rakista ang theme. May pinapakita ang mga nagawa nila para sa bayan, sa daan, sa kabataan, sa kalsada at sa Makati. Maraming gimik kumbaga para lang makilala ang bawat kandidato. Merong kumalas sa mga dating partido. Meron ding nag-retreat pa sa Zamboanga. May nagpakasal pero dahil sa bagyong Ondoy eh binigay diumano ang perang gagamitin sa reception sa mga taong kailangan ng tulong. Meron ding pinagpipilitan pa rin ang sarili kahit minsang ng napatalsik sa pwestoLahat sila hindi sang-ayon sa katiwalian. Lahat sila gustong umangat ang Pilipinas sa kahirapan. Lahat sila nangangako. Mga pangakong maari ulit mapako. Lahat sila gusto ng pagbabago.

Registered voter na ako sa wakas. Ngayon pwede na akong magreklamo kung hindi maayos ang pamamalakad ng gobyerno. Parang pag voter ka na may karapatan ka ng magreklamo, kasi kung iisipin mo bakit ako magagalit kay GMA kung hindi niya nagagampanan ang tungkulin niya bilang pangulo kung hindi ko naman siya binoto nun. Nakuha niyo ang logic? Sana. Ngayon pwede ko ng sabihin na HINDI KO UTANG NA LOOB NA:

1. Nagpagawa ka ng kalsada.

2. Pinahabaan mo ang riles ng tren ng MRT.

3. Binigyan mo ng trabaho ang mga Pilipino.

4. Pinauwi mo ang mga OFW na inabuso sa ibang bansa.

5. Pinakain mo ang mga nagugutom.

6. Binigyan mo ng tirahan ang mga iskwater.

7. May mas murang gamot na maari ng mabili sa botiko.

8. May rollback sa presyo ng gasolina at bumaba ang pamasahe sa jeep.

9. Nakakapag-aral ang mga kabataan na kumpleto ang gamit sa paaralan.

10. May matinong sweldo ang mga nagtatrabaho.

11. >>>ikaw na magdagdag ng listahan<<<<

DAHIL BILANG ISANG GOVERNMENT OFFICIAL, POLITICIAN, PUBLIC SERVANT TRABAHO MO YAN.  Trabaho mo na maging maayos ang buhay ng bawat Pilipino, na may makain sila sa araw-araw, may gamot silang mura, may sweldo na kasya sa pang-araw araw na gastusin, maka-gradweyt ng kolehiyo ang mga anak nila at nakatira sila sa disenteng tahanan. Hindi namin utang na loob yun. Kasi po, TRABAHO mo yun at yun ang sinumpaan mong tungkulin. Parang ako, trabaho kong alagaan ang mga pasyente, ibigay ang gamot nila, etc. Kapag nagpasalamat sila, bonus points na lang yun, pero hindi nila utang na loob na inalagaan ko sila dahil trabaho ko yun, yun ang sinumpaan kong tungkulin. Ayan, di pa ako nakakaboto ang dami ko na reklamo.hehe

Balik tayo kay Noynoy. Bakit nga ba ako sumang-ayon sa sinabi ng dati kong boss? Maraming dahilan. Unang-una ang mga pulitiko ang nagbibigay sa atin ng pag-asa. Pag-asang balang araw (in the next so-so years) hindi na tayo tatawaging third world country or para mas maganda sa pandinig developing country. Umaasa tayo na balang araw tatawagin tayong “developed country”. Di ba? Hindi ba’t yun ang pangarap ng bawat Pilipino? Ang kumontra, sige kumontra ka lang, nasa malayang bansa tayo. Pero paano tayo mabibigyan ng pag-asa kung ang mga nakikita ng mata at naririnig nga mga tenga natin ay puro katiwalian at pawang pansariling interes lamang. Hindi porke’t makabayan ang mga magulang ni Noynoy siya na ang pag-asa ng Pilipinas. Hindi porke’t namatay si Ninoy dahil ipinaglaban niya ang demokrasya mula sa malupit na diktador siya ang magbabago ng Pilipinas. Kung si Cory nga hindi naman nabago ang Pilipinas, paano na lang kaya si Noynoy na hanggang ngayon yata eh hindi pa naayos ang mga lupain ng mga magsasaka sa Hacienda Luisita na sarili niyang bayan. Baka sabihin niyo ayaw ko kay Noynoy, magbigay tayo ng ibang halimbawa. Si Binay ng Makati. Maganda ang Makati ngayon, parang little Singapore kumbaga. Pero paano tayo magtitiwala kay Binay na mababago niya ang Pilipinas kung kasama naman niya ang dating tiwaling opisyal ng gobyerno sa pagtakbo niya sa 2010? Paano tayo magtitiwala kay Gibo Teodoro kung hindi niya napaghandaan ang hagupit ng bagyong Ondoy? Nasaan ang galing at talino dun? Nasaan ang mga rubber boats? rescuers? nung panahong nilalamig ang karamihan sa mga taga Marikina at Cainta dahil ilang oras na silang nasa bubong habang ang lakas lakas ng ulan at hangin. Marami tayong napupuna. Kasi nakikita ng mga mata natin. Isang dahilan pa lang yan kung bakit hindi si Noynoy at kung sino mang pulitiko ang kailangan para mabago ang Pilipinas.

Nagawa mo na ba to?

1. Magtapon ng basura sa basurahan.

2. Tumawid sa tamang tawiran.

3. Pumasok ng maaga sa trabaho.

4. Gumamit ng po at opo.

5. Maglinis ng kwarto at bakuran.

6. Gumamit ng earth friendly na bag.

7. Magtanim ng puno.

8. Manood ng Pinoy film.

9. Bumili ng gawang Pinoy.

10. Hindi sumingit sa pila.

11. >>>>Pwede mo dagdagan<<<<

Nagawa mo na ba ang mga munting bagay na yan? Patuloy mo bang ginagawa at hinihikayat ang iba para gawin rin ang tama? Maliliit na bagay na kung lahat ng Pilipino ay gagawa ng ganyan marahil matagal ng maunlad ang Pilipinas.

HINDI SI NOYNOY ANG KAILANGAN PARA MABAGO ANG PILIPINAS. HUMARAP KA SA SALAMIN NGAYON MAKIKITA MO KUNG SINO.

-mycomfortroom🙂