The 30 day Project:My Grown Up Christmas List (Day 19:Pray for a friend)

Minsan may mga kaibigan tayong kailangan ng tulong kahit hindi sila nagsasabi. Naisip ko rin minsan bakit hindi mo sinasabi? Alam ko na, kasi alam mong mali ang ginagawa mo, alam mong hindi kita kakampihan at alam mong papagalitan pa kita. Ito marahil ang dahilan ni Francesca.

Kaibigan ko si Francesca mula pa noong kinder. Ilang taon na kami? Almost 20 years of friendship at eto matatag pa rin kami at pilit pa ring pinakikisamahan ang kagaguhan ng isa’t isa. Si Francesca ang isa mga kaibigan na laging nandiyan para sa akin. Hindi ako iniwan nun ni minsan at lagi mong maasahan kung kailangan mo ng kausap.

Alam kong may problema ngayon si Francesca. Kung hindi ko man maituring na problema, maari kong sabihin na sa ngayon hindi siya masaya. Hindi siya masaya kahit nakikita mo siyang nakangiti. Hindi siya msaya kahit nakikita mong tumatawa siya. Hindi siya masaya kahit nabibili niya ang mga gusto niya at nakakasama niya ang mga taong sa akala niya ay nagpapasaya sa kanya.

Dahil hindi siya nagsasabi sa akin, hindi ko rin alam ang sasabihin ko sa kanya. Alam niya tanggap ko siya, pero alam niyang papagalitan ko rin siya kung nalaman ko ang buong kwento. Hindi ko siya pinipilit magsalita ngayon. Hindi ko siya kinakausap tungkol sa mga bagay na tinatago niya sa akin o sa buong barkada. Sa ngayon aaminin ko takot akong kausapin siya dahil baka may mga bagay akong masabi na hindi niya mauunawaan. Takot ako na masaktan ko ang kaibigan ko.

Homewrecker. Kabit. Playgirl. Yan si Francesca, pero sa kabila ng pagiging ganyan niya mahal ko pa rin si Francesca at kahit hindi ako sang-ayon sa gawain niya ngayon hindi ko rin naman siya iiwan. Galit ako sa mga kabit. Galit ako sa mga nanloloko. Galit ako kasi naranasan ko ng maloko at pagtaksilan. Alam ni Francesca yun at kung sasabihin niya sa akin ngayon na may boyfriend siya na may asawa at may isa pa siyang boyfriend, alam niya papagalitan ko siya. Alam ni Francesca kung gaano kasakit maloko ng taong mahal mo kasi naranasan na rin niya iyon pero minsan naiisip ko ginagawa ba ito ni Francesca para makaganti? o dahil gusto lang niyang gawin dahil sadyang hindi pa siya mature mag-isip at natutuwa pa siya kapag tinatawag siyang bitch.

Hindi ko alam ang dahilan kung bakit siya nagkaganon. Dahil ba kulang ang guidance ng pamilya niya? Dahil ba nagkulang kami sa pagpapayo sa kanya? Hindi ko alam. 23 na si Francesca. Nasa tamang pag-iisip. Nasa edad na para makabili ng alak sa 7/11 na hindi hinahanapan ng ID. Nasa edad na para makapasok sa night club na hindi hinahanapan ng ID. Nasa edad na para malaman ang pagkakaiba ng tama at mali. Pero bakit hindi iyon magawa ni Fracesca, ang gawin ang tama at iwasan ang mali.

Sa ngayon hind ko siya makausap. Ayokong balang araw magsisi siya sa mga ginawa niya. Ayokong balang araw makilala siya bilang sawsawan ng bayan. Ayokong balang araw ituring siya puta ng magiging anak niya. Ayokong mangyari yon, pero sa ngayon ang magagawa ko lang ang ipagdasal siya. Ipagdasal para maliwanagan ang isip niya, marahil sa maliit na bagay na iyon nakatulong ako. Hindi ko siya iiwan, kasi kaibigan ko siya.

Yun na siguro ang pamasko ko sa kanya.:)

Advertisements