Pinoy nga naman!

Kanina lang nagpunta kami ng pinsan ko para mag-jogging sa UP. Tumataba na kasi kami at kailangan na talagang mag-burn ng fats. Nakatira kami malapit sa LRT2 kaya two jeepney rides pa bago kami makarating sa Diliman. Malapit lang naman pag nag-jeep at dahil hindi naman traffic dahil maaga pa, mabilis lang ang biyahe.

Matagal ko ng napagtanto na masikip na ang Pilipinas. Tulad na lang kanina, masikip na nga sa jeep kumukuha pa ng pasahero. Hindi ko alam kung bulag ba or hindi lang talaga marunong magbilang si kuya driver at kailangan pa niyang kumuha ng apat pang pasahero eh para na kaming sardinas na nagkakandungan. Siguro gusto lang din ni Kuya makarami ng kita, pero jusko naman Lord! yung isang ale hindi na nga makaupo eh tapos sabi ni kuya “kaliwa-kanan pa yan!” Tae na! Tapos babayaran mo pa si kuya driver ng pitong piso eh yung pwetan ko nga hindi na makaupo. Masikip na talaga ang Pilipinas. Kahit hindi na kasya, pinagkakasya pa rin.

Three years ago, nahulog ako sa LRT (yung luma). Hindi naman super hulog, pero ung paa ko nasa riles na, yung bag ko hindi ko mahagilap. Siguro kung hindi ako super hugot ni JC at Kjhay nun malamang para na akong piyaya sa riles ng tren. Kasi naman sinabi na ngang may paunahin ung mga lalabas, hala ka gusto pa ring sumabay ng mga nagmamadaling pumasok. Taena talaga! Kulang talaga tayong mga Pinoy ng disiplina. Konting instruction lang, napakadali namang sundin ayaw pang gawin. Siguro kung hindi ako binangga ni aleng nagmamadali noon sa LRT malamang hindi ako nashoot sa riles at hindi nagmura si Kjhay ng todo-todo na kala mo eh wala ng bukas. May nabasa nga akong blog dati, “Bakit sa Singapore sumusunod tayo sa batas trapiko pero sa Pilipinas hindi natin magawa?” TAMA siya dun. Bakit kung sa ibang bansa, nagtatapon tayo ng basura sa tamang lagayan pero dito sa Pilipinas kahit san san na lang. Hindi ba dapat mas disiplinado pa nga tayo dito kasi bansa natin ito. Atin ang Pilipinas. Alagaan natin ito.

Tungkol sa tren ulit. Napansin ko lang, karamihan sa atin kung sasakay ng MRT mas gusto pa ring pumila para bumili ng tiket kahit wala namang tao sa vendo machine. At kapag MRT ka sumakay, kahit hindi ka na humawak sa hand rails, hindi ka matutumba kung magpreno ung tren. Pramis! Ganun kadami ang sumasakay sa MRT. Standing ovation to the maximum level at tulad sa jeep hindi na kasya pinagsisiksikan pa! Pinoy nga naman!

Kanina lang din sa Punto por Punto ni Tunying naloka lang naman ako sa mga ginawa ng graduates ng UP nung magpunta sa stage ng PICC na may dalang streamer sa kanilang graduation. Tama rin naman na ipaglaban nila ang tuition fee increase lalo na kung wala naman pinatutunguhan (as promised daw ayun dun sa girl na nainterview) pero siguro mali lang yung place at time ng “rally”. Eversince naman talagang aktibista na ang mga taga UP. I guess let’s be proud of them because they are courageous enough to fight for our rights, but then again kaya we have like official venues for rally (although yung ginawa nila is not more of a rally, wala lang gusto ko lang i-point out) para hindi magulo.:) Kasi naman sino ba naman ang hindi maiinis sa tuition fee increase na yan eh state university tapos pang private university na halos ang babayaran.Tsk. Oi, kung magtataas ng tuition fee ayusin ang facilities, services etc. para kayong VAT ang taas nga wala namang magandang projects kung meron man ilalagay pa mukha ng pulitiko eh galing din naman sa buwis ng Pilipino yun.Errrr.

Last isyu na (pramis!) Di ba sinusulong din ngayon ang manual counting kasabay ng automated election. Pinoy nga naman! Lahat na lang kokontrahin. Hindi ba nila naisip in the first place na sana hindi na lang nag-automated election kung may manual counting ding magaganap. Kalokohan! Eh di doble pagod, doble gastos and doble gulo. Paano na lang kung hindi mag-tally ang mga boto? Eh di ibig sabihin nun dodoblehin lahat ng counts hanggang sa mag-tally. Naman! Isip nga naman ng mga Pinoy! Anu ba? Eh di sana hindi na kayo bumili bili pa ng PCOS machine, nagprint ng balota, nagtrain para sa automated election, etc. kung magsusulong lang din kayo ng manual counting. Kaloka!

Tayong mga Pinoy kulang ng tiwala sa sarili. Kung lagi nating iisipin na may failure of election, hindi talaga tayo aangat. Kailangan nating tandaan na lahat ng failure ay lessons para sa atin. Lahat ng bagay may FIRST. Ito ang first automated election, malamang maraming flaws, kahit pa sabihin nating machine ang magbibilang. Aminin na natin yun pero hindi ibig sabihin kokontrahin na natin kasi meron pa naman next election, yung mga pagkakamali sa previous election pwede nating itama sa next automated election. Hindi natin maiiwasan ang pagkakamali. Bantayan natin ang boto natin. Iboto natin ang sa tingin natin ay tama. Huwag tayong magpadala sa popularidad at survey. Mag-research tayo sa bawat kandidato. Manood ng forums at debate. Alamin ang plataporma. Kung nagawa mo ito at may mga taenang tao pa rin ang gustong manipulahin ang eleksyon sa tingin ko hindi mo na kasalanan yun. Nagawa mo na ang tungkulin mo bilang isang mamamayan. Nagawa mo na ang panatang “Tutuparin ko ang tungkulin ng isang mamamayang makabayan”

Balik pala tayo sa jogging sa UP. Grabe ang mga lolo, tinalo pa talaga ako sa pag-jogging. Kayang-kaya pa ng higit 3 times na ikot. Kailangan ko na talaga ng active lifestyle. Jogging ulit bukas.:)

Just Me. For Now.

Katt