Kasalanan Ang Magtipid ng Gloves

Ilang araw pa lang ako sa Saudi pero pwede ko ng sabihin na mayaman talaga ang bansang ito. Mahal ko ang Pilipinas at nakakainggit isipin na sana yung mga nararanasan ko dito lalo na sa aming ospital ay magkaroon din sa Pilipinas.

Unang araw ko noon sa ICU-CCU kung saan ako na-assign  at nainterbyu ng aming nurse manager na si  Sir Russel. Tinanong niya kung ano yung mga procedures na ginawa ko, mga machine na nahawakan ko at yung mga kahinaan ko. Naging tapat naman ako na mahina ako sa ECG reading dahil hindi naman talaga namin nagagamit ang ECG machine noon. Sinabi ko rin na ang suction naming ay yung bote pa at hindi sterile dahil dinodoble naming ang mga suction tubes at gloves dahil walang pambili ang mga pasyente. May cardiac monitor sa ospital ko dati pero hindi gumagana ang BP at ECG tracing. Sa heart rate at oxygen saturation lang. May mga mechanical ventilator rin pero hindi ko rin matandaan ang mga brand.

Maganda naman ang government hospital na pinanggalingan ko. Marami naman akong natutunan doon pero kung sa equipments at infection control lang ang pag-uusapan talong-talo ang mga ospital sa Pilipinas, maliban na lamang siguro sa mga iilang private hospitals na hindi naman kayang puntahan ng masang Pilipino dahil sa mahal na serbisyo.

Sa SMCH ngayon tiba-tiba kami sa mga gamit. Unang araw ko sa ICU, may na-intubate. Naka-sampung endotracheal tube ang doktor hanggang sa ma-insert niya ang ET sa tamang posisyon. Nakagamit ng ilang airway, ilang suction tube, ilang boogie at guide wire na hindi ko na rin mabilang dahil sa dami. Kung sa Pilipinas nangyari yun, malamang sa malamang, yung hindi naipasok ang ET for the first time, ipapasok ulit ang nagamit ng ET for the 2nd, 3rd or 4th or hanggang maipasok at magkaroon ang pasyente ng magandang airway. Yung mga suction tips na ginamit malamang isa or dalawa lang okay na kahit hindi na sterile basta ma-suction mo lang pero dito kada suksok mo ng suction sa ET or sa bunganga ng pasyente dapat sterile na suction tip. Nakasunod talaga sa standard. Kung dito nga sa Riyadh nagkakaroon ng high growth ng kung anu-anong bacteria at fungi ang mga pasyente, malamang kung gumagawa sila ng culture and sensivity studies sa Pilipinas lahat siguro rin ng pasyente positive pero dahil malimit gawin iyon (ewan ko kung mahal ba ang reagents or talagang iniisip ng doctor na waste of time lang) hindi rin natin nalalaman kung ano talaga.

Sabi nga ng staff sa ICU, kahit double, triple or quadruple pa ang gloves mo basta lang protected ka, gamit ka lang ng gamit. Tama nga naman sila. Mahalaga ang gloves para sa proteksyon ng isang nars at pati na rin sa pasyente at iba pang healthcare provider. Kung sa Pilipinas naranasan kong gamitin ang clean glove ng ilang beses habang nagsuction, dito ang sterile gloves kung  feeling ko hindi na sterile at gusto ko pa mag-suction pwede ulit ako magbukas kasi maraming stock. Ang sarap gawin ang “standard” at mabigyan ang mga pasyente ng quality care kapag may resources ka. Sa Pilipinas may knowledge na tayo eh, alam natin ang dapat gawin, alam natin ang mali pero hindi natin maiwasan na “magtipid” sa mga gamit dahil kung gagamitin natin ito para sa isang pasyente lang, kawawa naman ang iba o ang mga susunod na pasyente na wala ng magamit. Nakakalungkot isipin. Ganun na tayo kahirap?

Habang naghuhugas ako ng kamay nung araw na iyon, naisip ko na kung pwede lang mag-uwi ng mga gamit sa ICU, siguro magpapadala na ako sa Pilipinas sa lalong madaling panahon. Pero dahil bawal namang kumuha ng mga gamit sa ospital ipagdadasal ko na lang na sana balang araw (siguro pagbalik ko dun) magkaroon din ng unlimited gloves, unlimited suction tips at unlimited gauze and tissue and mga ospital sa Pilipinas. Sa atin kasi unlimited text lang ang meron na hindi naman talaga kailangan. Sana maisip yan ng uupong presidente. Sana…Sana…

Just Me.For Now.

Katt